Sunday, February 8, 2015

Gabi


Tumingin ako sa mga ulap. Walang masyadong mga bituwin. Bakit ngayon pa walang mga bituwin?  Madaming tao noong gabing iyon. Masarap manood ng tao. Marahil ay may kanya-kanyang pinagdadaanan. Iba-iba lamang ng kabigatan.

 Baka ilang minuto na lang kita makakasama kaya pilit kong binago ang usapan. Nais kitang makasama sa ilang minutong natitira. Para akong nakikipagkarera sa panahon. Nais pa kitang makilala sa ilang minutong iyon.

Tinanong ko ang ilang bagay ukol sayo. Paboritong kulay. Paboritong tao. Paboritong pangyayari noong paslit ka pa lang. Matiyaga mong sinagot lahat ng tanong ko. Bawat isa. Kahit yaong mga walang saysay. Kagyat kong nalimutan ang pakikipagtunggali ko sa oras.

"Ang dami mong tanong," sabi nya.
"Kasi baka hindi na kita matanong ulit. Baka huli na to." ang sabi ko.
"Bakit ngayon lang 'to?"
Alam ko naman ang sagot ngunit sadyang  nakapapagal sumagot. Marahil ay nakakahapo ang magpaliwanag. Marahil ay hindi na sakop ng mga salita ang gayong pakiramdam.

"Anong pangarap mo?" wika ko.
"Ang makasama ka," ang kanyang walang pag-aatubiling sagot.
Biglang dumapo ang nakabibinging katahimikan sa sumapaw sa ingay ng paligid.
"Seryoso ka d'yan?" sabay tingin ko sa malayo.
"Oo." aniya.

Tumungo ako't ibinaling ang atensyon sa sahig. Baka sakaling may ilang pangungusap ang biglang lumitaw sa sahig. Hindi ko masabing masakit sa dibdib. O nahihirapan akong magbitiw ng mga salita. O kung gaano kahirap magpigil ng luha. O wala akong sagot sa iba mong tanong. O malamang ilang araw akong magmumukmok.

"Sigurado ka na ba?" makatatlong beses nyang tinanong noong gabing iyon.

Sigurado na nga ba ko? Maraming beses ko nang inisip ito. Sigurado nga ba ako?  Handa ba ko na gawing huli ang lahat ng bagay noong gabing iyon?


"Oo," sabay tungo. 

No comments:

Post a Comment